Tuesday, July 10, 2012

Agricultural base na SMEs, tututukan ng DTI



LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hullyo 2 (PIA) -- Tututukan ngayon ng
Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapaunlad ng small and
medium enterprises (SMEs) sa pamamagitan ng pagpaprayoridad sa mga
produktong agrikultural bilang pangunahing sangkap at materyal.

Ayon kay Zorina ‘Rhine’ Aldana, Provincial Director ng DTI sa Bulacan,
“nakapokus kami ngayon sa mga SME na agrikultural ang kanilang hilaw
na materyales o raw materyales. Ito ay ayon sa binuong Industry
Cluster Strategic Initiatives ng economic cluster ni Pangulong Benigno
S. Aquino III na naglalayon na mas tulungan kung sinong sektor ang mas
nangangailangan.”

Ipinaliwanag pa ni Aldana na layunin nito na hindi lamang manitili sa
agrikultura ang mga magsasaka kundi maging isang agri-entrepreneur.
“Kapag kasi ang isang produktong agrikultural ay naiproseso, mas
competitive sa merkado. Nagiging industriya ang agrikultura bilang
Agribusiness o negosyo sa sakahan,” aniya pa.

Partikular sa mga produktong agrikultural na palalakasin sa
pamamagitan ng Industry Cluster Strategic Initiatives ay ang kape,
kalamansi, dairy, kawayan, mangga, bangus, at manok.

Sa hiwalay na panayam naman kay Kinatawan Joselito R. Mendoza ng
Ikatlong Distrito ng Bulacan, binigyang diin nito na, “malaking
oportunidad ito lalo na sa distrito dahil nandito ang malaking bahagi
ng production area ng Bulacan. Kumpleto kami rito mula sa mga high
value commercial crops o paggugulayan sa San Ildefonso, paghahayupan,
manukan at Manggahan sa San Miguel, mga saging at kape ng Dona
Remedios Trinidad (DRT) at Kesong Puti ng San Rafael. Food Basket nga
ang gawing ito ng lalawigan. Kaya naman dapat masigurado na kikita ang
karaniwang magsasaka at maliliit na negosyante sa programang ito ng
DTI.”

Kaugnay nito, isasakatuparan ang bagong istratehiyang ito ng DTI sa
ilalim ng One Town, One Product (OTOP). Matatandaan na ang programang
ito na naglalayong palakasin ang mga maliliit at katamtamang negosyo.
Layunin din nito na makalikha ng tatlong milyong trabaho mula sa
sektor na ito at upang maipakilala sa merkado ang mga natatanging
produkto na likha sa bawat bayan at lungsod.

Samantala, nananatiling bukas ang mga government financial institution
(GFIs) tulad ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank
of the Philippines (DBP) sa mga SMEs na nais magsimula o magpalawak ng
negosyo upang mapahiram ng karampatang puhunan.

Nagkaroon ng ganitong mandato ang nasabing mga GFI’s nang ipatupad ng
pamahalaang nasyonal noong 2008 ang Republic Act 9501 o ang Magna
Carta for Micro, Small and Medium Enterprises. Sa puntong ito,
makakahiram ang mga SME’s ng puhunan na may mababang kolateral at may
pagkakataon ding wala nang kolateral. (CLJD/SFV-PIA 3)

No comments:

Post a Comment