Sunday, May 19, 2013

Greener pasture, sa Bulacan natagpuan ng dating OFW



SAN RAFAEL, Bulacan—Sa halos 15 taon, nagtrabaho bilang seaman si Isagani Santos,56-anyos ng ng bayang ito.

Ngunit ang lunting pastulan o greener pasture na kanyang hinanap sa ibayong dagat ay kanyang natagpuan sa bayang ito.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsasaka ng gulay na ayon sa kanya nagingpangunahing hanap buhay niya sa pagtataguyod ng pag-aaral ng kanyanglimang anak,kung saan ay dalawa na ang nakatapos.

Ayon kay Santos, taong 1995 ng magretiro siya sa pagiging seaman, at dahil kailangan ng hanap buhay upang itaguyod ang kanyang lumalaking pamilya noon, nakipagsapalaran siya sa paghahayupan.
Isagani Santos

Ngunit dahil sa kakulangan ng sapat na karanasan,hindi siya nagtagumpay kaya’t lumipat siya sa pagsasaka ng gulay sa Barangay Caingin ng bayang ito.

Hindi rin sapat ang karansan ni Santo sa pagsasaka ng gulay, ngunit nagtagumpay siya.

Ito ay dahil sa kanyang deteminasyon na magtagumpay at matutuo sa pamamagitan ng pagdalo sa ibat-ibang  mga pagsasanay.

“Halos lahat ng mga seminar na inorganisa nila, dinaluhan ko,” ani Santos patungkol sa mga pagsasany na inorganisa ng ibat-ibang grupo.

Sa kanyang pagdalo sa mga pagsasanay at mga seminar, higit na tumaas ang kumpiyansya ni Santos dahil marami natutuhan.

Kabilang dito ay ang mga bagong pamamaraan sa pagsasaka, gamit ang mga makabagong kagamitan, binhi at teknloohiya.

Isa sa pinakasimpleng natutuhan niya ay angpaggamit ng itim na plastic film sa kanyang seedbed na pumipigil sa pagdami ng mga damo at mga kulisap.

Ayon kay Santos, nakatutulong din ang nasabing plastic film sakanyang mga pananim kung tag-araw na mainit ang panahon.

Ipinaliwanag niya na hindi basta natutuyo ang lupa sa taniman dahil medyo nababalot ito ng plastic.


Hinggil naman sa kalidad ng plastic na kanyang ginagamit, ipinamalaki niya ang produktong Macondray plastic na ayon sakanya ay mas maganda ang kalidad at mas mura kumpara sa produkto ng East West at ng Harbest.

Edmon Sarmiento
Ang nasabig produkto at ginagamit niya sa pagatatanim ng ibat-ibang gulay tulad ng talong, sili, ampalaya, kamatis,Baguio bean, patola, pipino at iba pa.

Para naman sa ibang OFW na nag-iisipng panibagong hanapubuhay o negosyo, ipinayo ni Santos ang pagsasaka ng gulay.

“Mas magandang hanapbuhay ito,malapit ka pa sa pamilya mo,” aniya at ikunuwento na kaya siya tumigil sa pagiging seaman ay upang makasama ang pamilya ay mga anak. Dino Balabo

Benepisyo ng tradisyunal na pamamalaisdaan



Tumaas ang ani, ngunit mas mababa pa rin kumpara noong dekada 80


PAOMBONG, Bulacan—Mainit pa ang sikat ng araw, bandang alas-2:30 ng hapon ay hindi na mapakali si Pedro Geronimo.

Pabalik-balik siya mula sa kubo ng palaisdaan at sa nakaumang na lumpot o lambat sa pasalangi ng pinatutuyuang palaisdaan.

“Excited si Tatay, mukhang makakabawi ngayong taong ito,” sabi Froilan Alvarado sa Mabuhay habang nakamasid mula sa nakahiwalay na kubo sa may 15-ektaryang palaisdaang pinamamahalaan ng kanyang biyenan sa bayang ito.

Ilang sandal pa, kumaway na sa mga tauhan si Geronimo at halos sabay-sabay silang tumayo mula sa kubo patungo sa pasalangi dala ang salok na may lambat, plastic tray na halos kasing laki ng kahon ng San Miguel Beer at malaking kahong plastic kung saan inilalagay ang malalaking alimago at sugpong sumunod sa agos at nahuli sa lambat.

Ang ganitong sitwasyon ay ilang beses pang naulit bago kumagat ang dilim noong  Miyerkoles, Mayo 8.

Hanggang gabi at ilang beses pa silang namandaw ng lumpot na nakaumang.

Bago sumikat ang araw kinabukasan, Mayo 9, umabot na sa siyam na cooler ng sugpo at hipong swahe ang nahuli.

Bukod pa rito ang may apat na tray ng naglalakihang alimango.

Sa kabuuan, umabot na halos 40 cooler ng sugpo ang nahuli sa 15-ektaryang palaisdaang pinamamahalaan ni Geronimo mula ng magsimula silang bumawas o humuli noong huling bahagi ng Abril.

Ang bilang na ito ay halos doble ng kanilang produksyon noong nakaraang dalawang taon kung kailan ay bumalasak lamang sa 20 cooler na sugpo ang kanilang inani.
 
“Dalawang  taong walang nangyari sa amin,” ang may lungkot na sabi ni Geronimo patungkol sa mababa o luging ani nila sa taong 2011 at 2012.

Iyon ang unang mga pagkakataon na nalugi si Geronimo sa loob ng kanyang mahigit 40 taong pamamalaisdaan.

Dahil sa nahigitan na nila nila ang anis a nagdaang dalawang taon, at halos ay nangangalahati palamang sila sa aanihin, masaya si Geronimo.

“Makakabawi kami ngayiong taong ito, may sobra pa,” sabi niya na nakangiti.

Gayunpaman, iginiit niya na ang kasalukuyang ani na halos ay 40 cooler ng sugpo ay nananatiling mababa kumpara sa kanilang ani mula dekada 70 hanggang 90.

Batay sa kuwento ni Geronimo, umaabot sa 250 hangang 280 cooler ng supo ang kanilang inaani sa 15 ektaryang palaisdaang kanyang pinamamahalaan noong dekada 70 hanggang 90.

Bukod rito, mas maliliit ang mahigit isang dangkal na sugpong kanilang inani nitiong Miyerkoles at Huwebes kumpara sa kanilang inaani mahigit 20 taon na ang nakakaraan.

Ang kalagayang ito ay nagpapatunay sa mga tala na naipon ng Mabuhay mula sa Bureau of Agricultural Statistics (BAS) ng Department of Agriculture.

Batay sa tala ng BAS, umaabot sa 53,804.3 metriko tonelada ang produksyon sa isda at iba pang lamang dagat ng Bulacan noong 2004.

Ito ay bumaba sa 40,790.91 metriko tonelada na naitala ng BAS noong 2011.

Maliban noong 2008 kung kailan umangat sa  51,768.93 metriko tonelada ang produksyon ng Bulacan, ang iba pang taon matapos ang 2004 hanggang 2011 ay nagpapakita patuloy na pagbagsak ng produksyon, batay sat ala ng BAS.


Maging ang produksyon bangus ng lalawigan ay bumagsak din sa naturang panahon.  Batay sa tala ng BAS,ang produksyon ng Bulacan nab angus noong 2004 ay umaabot sa 34,785.00 metriko tonelada, ngunit bumagsak sa 23,019,66 metriko tonelada noong 2011.

Ayon kay panglalawigang tanggapan ng pagsasaka, ang pagbagsak ng produksyon ng isda at iba pang lamang tubig sa lalawigan ay sanhi ng pinaghalo-halong kadahilanan.

Kabilang dito ang epekto ng climate change, paglilipat gamit ng palaisdaan mula sa pag-aalaga ng bangus patungo sa pagaalaga ng sugpo, pagbabago ng produksyon mula sa fish culture ay naging fingerling culture; at patuloy na polusyon sa katubiganng kailugan.

Para kay Geronimo at iba pang namamalaisdaan sa lalawigan, ang polusyon sa katubigan ang pangunahing sanhi ng pagbaba ng kanilang produksyon.

Ito ay kanilang naramdaman noong kalagitnaan ng deka 90 kung kailan ay umigting ang paggamit ng aqua feeds ng mga naglalakihang palaisdaan sa Bulacan, partikular na sa bayan ng Hagonoy.

May mga nagsasabi rin na ang kawalan ng pagpapatupad sa pagsisinop ng basura ang sanhi ng polusyon.

Ngunit ayon kay Geronimo, “wala sa kalingkingan ng epekto ng ng aqua feeds sa tubig ang epekto ng basura.”

Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan upang magpatupad ng mga regulasyon o batas sa paggamit ng aqua feeds.

Para naman kay dating Bokal Patrocinio Laderas, ang pagsasagawa ng regulasyon sa paggamit ng aqua feeds ay kailangang sabayan ng edukasyon o pagpapataas ng antas ng kaalaman ng mga namamalaisdaan.

“Dapat ay scientific, hindi yung hula-hula lang at  tsambahan,” sabi ng dating bokal na isang beterano sa larangan ng pamamalaisdaan.

Ayon pa kay Laderas, kailangan ng political will ng mga nagpapatupad ng batas.

Iginiit pa niya na dapat maunawaan ng mga pinunong bayan at mga namamalaisdaan ang epekto ng aqua feeds sa pangisdaan.

Pinatunayan ito ni Geronimo ng kanyang banggitin na mas maraming uri ng lamang tubig ang nawawala sa paggamit ng aqua feeds.

Kabilang dito ay ang mga hipong swahe.

“Noong araw, magpagalaw lang kami ng tubig, umaabot sa isang bangka ang nahuhuli naming swahe, pero ngayon, halos wala na,” aniya.

Binigyang diin niya ang nahuli nilang mga hipong swahe sa palaisdaang kanyang pinamamahalaan ay dahil sa hindi nilapaggamit ng aqua feeds.

“Pag gumagamit kang aqua feeds, walang mabubuhay na hipong swahe sa palaisdaan mo,” aniya at sinabing lumalabas na bonus sa mga namamalaisdaan ang hipong swahe dahil hindi naman sila bumibili ng binhi nito.

Idinagdag pa niya na bukod sa mas pabor sa kalikasan ang di paggamit ng aqua feeds, mas malaki rin ang kinikita sa tradisyunal na pamamaraan.

“Mas malaki ang gastos at puhunan  sa aqua feeds, pero sa traditional method ay mababa lang kaya lumalabas ay mas malaki ang kita sa tradisyunal,” sabi ni Geronimo.

Inayunan din ito ni Laderas ng bigyang pagpapahalaga ang tubig sa pangisdan sa pahayag na,  “kapag sinalaula moang tubig, apektado ang pangisdaan.”
 
Ayon kay Laderas, ang tubig ay kritikal na kailangan sa industriya ngh pangisdaan.

Ito ay naobserbahan din ng Mabuhay sa maghapon at magdamag na pagsubaybay sa paghuli nina Geronimo.

Batay sa obserbasyon ng Mabuhay, ang tubig ay gamit mula sa pagpapalaki at pag-aalaga ng sugpo, bangus at alimango.

Sa paghuli, gamit din ang tubig upang linisin ang huli; at pinatigas ding tubig ang yelo ang gamit upang ito ay hindi mabulok agad.

Sa paghahatid naman ng manugan ni Geronimo na si Alvarado ng ani sa mga consignacion, sa tubig din ng kailugan dumadaan ang mga bangka,na kung maraming basura ay nagagaid o nalalayak ang elisi nito.


Pagdating sa punduhan o consignacion, hanggang sa ihanda at lutuin ang ani mula sa palaisdaan, tubig pa rin ang gamit.   
Dino Balabo



 ________________
(Ito ay isang follow-up report sa special report na unang inilathala ng mamamahayag na ito kaugnay ng isang taong Environmental Reporting Fellowship sa ilalin ng International Women’s Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington, DC, USA).