Showing posts with label aqua feeds. Show all posts
Showing posts with label aqua feeds. Show all posts

Sunday, March 9, 2014

Epekto ng operasyon ng fishpen sa pangisdaan





HAGONOY, Bulacan—Maramot na dagat.

Ito ang minsa’y nasambit ni Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Pugad sa bayang ito kaugnay ng pagbaba ng dami ng nahuhuling isda sa baybayin ng Manila Bay ng mga maliliit na mangingisda.

Ang pahayag na ito ay nasabit ni Lunes tatlong taon na ang nakakaraan, at muli pang kinumpirma ng iba pang mangingisda sa nasabing barangay noong 2012.

Nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 28 ay muling inulit ng mga mangingisda at opisyal sa bayang ito ang patuloy na pagbaba ng dami ng isdang nahuhuli sa karagatan.

Ang tinutukoy nilang sanhi ngayon ay ang operasyon ng mga fishpen sa baybayin ng mga Barangay ng Pugad, San Roque at San Pascual.

Ang mga naturang fishpen ay dating mga palaisdaan na ang nagsisilbing pamigil sa tubig at isdang laman ay ang pilapil na yari sa lupa.

Ngunit dahil sa pagkaubos ng mga tanim na bakawang nagsisilbing panangga sa mga alon, ay nadurog at tuluyang nawasak ang mga pilapil ng may 800 ektrayang palaisdaan sa baybayin.

Hindi tumigil ang operasyonng mga nasabing palaisdaan dahil ito ay binakuran ng matataas na lambat, kaya’t sa halip na tawagin itong palaisdaan at tinatawag na ngayong fishpen o kulungan ng isda.

Ayon kay Konsehal Elmer Santos, ang operasyon ng mga fishpen ay nakakasira sa kalidad ng tubig sa baybayinng bayang ito.

Ito ay dahil sa ang mga fishpen ay nagsasagawa ng intensive fish farming gamit ang mga aqua feeds.

“Madalang na ngayon ang talaba, tahong, pati alimasag saka mga biya,” sabi ni Santos.


Maging ang iba pang lamang dagat tulad ng hipon at maliiit na isda ay apektado.

Dahil dito, halos walang kinikita ang mga maliliit na mangingisdang namamanti, umuumang ng baklad at bukatot.

“Parang nalalason ng tubig ang mga semilya ng isda at iba pang lamang dagat,”sabi naman ni Louie Libao, ang fishery officer ng bayang ito.

Binigyang diin pa niya na dahil sa pagkasira ng mga pilapil ng palaisdaan, maging ang daloy ng agos sailog ay apektado.

Bilang isang dating konsehal ng bayan na nagtaposng kursong Fisheries, sinabi ni Libao na hindi lamang mga operator ng fishpen ang gumagamit ng aqua feeds, kungdi maging ang namamahala sa malalaking palaisdaan o bigtime fishpond operators sa bayang ito.

Subalit bibigyang diin niya na dahil sa ang tubig sa fishpen ay labas pasok lamang, ang katas ng mga aqua feeds ay natatangay na rin agos.

Ayon kay Libao, ang katas ng aqua feeds sa mga palaisdaang buo ang pilapil ay medyo humuhupa pa ang epekto dahil matagal ito bago patapunin sa ilog.

Bukod dito, ang mga palaisdaan ay napapatuyuan pa ng tubig na naibibilad sa araw ang lupa,samangtaolang ang fishpen ay hindi.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga banlik o burak samga fishpen ay kinakayod ng mga operator gamit ang lambat na may pinong butas.

Ito ay upang matanggalang banlik ng nadurog na aqua feeds at mga dumi ng isda na naiwan sa fishpen.

Ngunit ang mga burak na ito ay sa dagat din lamang itinatapon kaya’t ito ay nakakapekto pa rin sa mga semilya ng isda.

Dahil dito, ipinayo niya ang pagbuo ng isang ordinansa na magtatakda ng regulasyon  sa operasyon ng mga fishpen.

Para naman kay Santos, sinabi niya na nagbubuo na ang Sangguniang Bayan ng Hagonoy ng isang katulad na ordinansa.

Bilang patunay, nagsagawa na sila ng water sampling at ito ay kasalukuyang nilang ipinasusuri sa laboratoryo ng Department of Science and Technology (DOST).

“Hinihintay na lamang naming yung resulta ng lab test ng DOST dahil isa iyon sa magsisilbing batayan namin,” ani Santos.

Iginiit pa niya na patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Mayor Raulito Manlapaz sa operator ng fishpen sa bayang ito.

Si Manlapaz at ang pamilya ng kanyang maybahay ay nabibilang sa mga malalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

Ayon kay Santos tutol si Manlapaz sa operasyon ng fishpen dahil sa epekto nito sa pangisdaan.

Ngunit ang iginigiit ng mga operator ng fishpen ay hindi nila kayang pigilan ang pagkasira ng mga pilapil ng kanilang palaisdaang binubuwisan.

Nagpahayag din ang mga operator ng fishpen na nakahanda silang tumigil sa operasyon kung ang mga pilapil ng palaisdaan sa baybayin ng bayang ito ay maipakukumpuni ng pamahalaang lokal.  (Dino Balabo)

Sunday, May 19, 2013

Benepisyo ng tradisyunal na pamamalaisdaan



Tumaas ang ani, ngunit mas mababa pa rin kumpara noong dekada 80


PAOMBONG, Bulacan—Mainit pa ang sikat ng araw, bandang alas-2:30 ng hapon ay hindi na mapakali si Pedro Geronimo.

Pabalik-balik siya mula sa kubo ng palaisdaan at sa nakaumang na lumpot o lambat sa pasalangi ng pinatutuyuang palaisdaan.

“Excited si Tatay, mukhang makakabawi ngayong taong ito,” sabi Froilan Alvarado sa Mabuhay habang nakamasid mula sa nakahiwalay na kubo sa may 15-ektaryang palaisdaang pinamamahalaan ng kanyang biyenan sa bayang ito.

Ilang sandal pa, kumaway na sa mga tauhan si Geronimo at halos sabay-sabay silang tumayo mula sa kubo patungo sa pasalangi dala ang salok na may lambat, plastic tray na halos kasing laki ng kahon ng San Miguel Beer at malaking kahong plastic kung saan inilalagay ang malalaking alimago at sugpong sumunod sa agos at nahuli sa lambat.

Ang ganitong sitwasyon ay ilang beses pang naulit bago kumagat ang dilim noong  Miyerkoles, Mayo 8.

Hanggang gabi at ilang beses pa silang namandaw ng lumpot na nakaumang.

Bago sumikat ang araw kinabukasan, Mayo 9, umabot na sa siyam na cooler ng sugpo at hipong swahe ang nahuli.

Bukod pa rito ang may apat na tray ng naglalakihang alimango.

Sa kabuuan, umabot na halos 40 cooler ng sugpo ang nahuli sa 15-ektaryang palaisdaang pinamamahalaan ni Geronimo mula ng magsimula silang bumawas o humuli noong huling bahagi ng Abril.

Ang bilang na ito ay halos doble ng kanilang produksyon noong nakaraang dalawang taon kung kailan ay bumalasak lamang sa 20 cooler na sugpo ang kanilang inani.
 
“Dalawang  taong walang nangyari sa amin,” ang may lungkot na sabi ni Geronimo patungkol sa mababa o luging ani nila sa taong 2011 at 2012.

Iyon ang unang mga pagkakataon na nalugi si Geronimo sa loob ng kanyang mahigit 40 taong pamamalaisdaan.

Dahil sa nahigitan na nila nila ang anis a nagdaang dalawang taon, at halos ay nangangalahati palamang sila sa aanihin, masaya si Geronimo.

“Makakabawi kami ngayiong taong ito, may sobra pa,” sabi niya na nakangiti.

Gayunpaman, iginiit niya na ang kasalukuyang ani na halos ay 40 cooler ng sugpo ay nananatiling mababa kumpara sa kanilang ani mula dekada 70 hanggang 90.

Batay sa kuwento ni Geronimo, umaabot sa 250 hangang 280 cooler ng supo ang kanilang inaani sa 15 ektaryang palaisdaang kanyang pinamamahalaan noong dekada 70 hanggang 90.

Bukod rito, mas maliliit ang mahigit isang dangkal na sugpong kanilang inani nitiong Miyerkoles at Huwebes kumpara sa kanilang inaani mahigit 20 taon na ang nakakaraan.

Ang kalagayang ito ay nagpapatunay sa mga tala na naipon ng Mabuhay mula sa Bureau of Agricultural Statistics (BAS) ng Department of Agriculture.

Batay sa tala ng BAS, umaabot sa 53,804.3 metriko tonelada ang produksyon sa isda at iba pang lamang dagat ng Bulacan noong 2004.

Ito ay bumaba sa 40,790.91 metriko tonelada na naitala ng BAS noong 2011.

Maliban noong 2008 kung kailan umangat sa  51,768.93 metriko tonelada ang produksyon ng Bulacan, ang iba pang taon matapos ang 2004 hanggang 2011 ay nagpapakita patuloy na pagbagsak ng produksyon, batay sat ala ng BAS.


Maging ang produksyon bangus ng lalawigan ay bumagsak din sa naturang panahon.  Batay sa tala ng BAS,ang produksyon ng Bulacan nab angus noong 2004 ay umaabot sa 34,785.00 metriko tonelada, ngunit bumagsak sa 23,019,66 metriko tonelada noong 2011.

Ayon kay panglalawigang tanggapan ng pagsasaka, ang pagbagsak ng produksyon ng isda at iba pang lamang tubig sa lalawigan ay sanhi ng pinaghalo-halong kadahilanan.

Kabilang dito ang epekto ng climate change, paglilipat gamit ng palaisdaan mula sa pag-aalaga ng bangus patungo sa pagaalaga ng sugpo, pagbabago ng produksyon mula sa fish culture ay naging fingerling culture; at patuloy na polusyon sa katubiganng kailugan.

Para kay Geronimo at iba pang namamalaisdaan sa lalawigan, ang polusyon sa katubigan ang pangunahing sanhi ng pagbaba ng kanilang produksyon.

Ito ay kanilang naramdaman noong kalagitnaan ng deka 90 kung kailan ay umigting ang paggamit ng aqua feeds ng mga naglalakihang palaisdaan sa Bulacan, partikular na sa bayan ng Hagonoy.

May mga nagsasabi rin na ang kawalan ng pagpapatupad sa pagsisinop ng basura ang sanhi ng polusyon.

Ngunit ayon kay Geronimo, “wala sa kalingkingan ng epekto ng ng aqua feeds sa tubig ang epekto ng basura.”

Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan upang magpatupad ng mga regulasyon o batas sa paggamit ng aqua feeds.

Para naman kay dating Bokal Patrocinio Laderas, ang pagsasagawa ng regulasyon sa paggamit ng aqua feeds ay kailangang sabayan ng edukasyon o pagpapataas ng antas ng kaalaman ng mga namamalaisdaan.

“Dapat ay scientific, hindi yung hula-hula lang at  tsambahan,” sabi ng dating bokal na isang beterano sa larangan ng pamamalaisdaan.

Ayon pa kay Laderas, kailangan ng political will ng mga nagpapatupad ng batas.

Iginiit pa niya na dapat maunawaan ng mga pinunong bayan at mga namamalaisdaan ang epekto ng aqua feeds sa pangisdaan.

Pinatunayan ito ni Geronimo ng kanyang banggitin na mas maraming uri ng lamang tubig ang nawawala sa paggamit ng aqua feeds.

Kabilang dito ay ang mga hipong swahe.

“Noong araw, magpagalaw lang kami ng tubig, umaabot sa isang bangka ang nahuhuli naming swahe, pero ngayon, halos wala na,” aniya.

Binigyang diin niya ang nahuli nilang mga hipong swahe sa palaisdaang kanyang pinamamahalaan ay dahil sa hindi nilapaggamit ng aqua feeds.

“Pag gumagamit kang aqua feeds, walang mabubuhay na hipong swahe sa palaisdaan mo,” aniya at sinabing lumalabas na bonus sa mga namamalaisdaan ang hipong swahe dahil hindi naman sila bumibili ng binhi nito.

Idinagdag pa niya na bukod sa mas pabor sa kalikasan ang di paggamit ng aqua feeds, mas malaki rin ang kinikita sa tradisyunal na pamamaraan.

“Mas malaki ang gastos at puhunan  sa aqua feeds, pero sa traditional method ay mababa lang kaya lumalabas ay mas malaki ang kita sa tradisyunal,” sabi ni Geronimo.

Inayunan din ito ni Laderas ng bigyang pagpapahalaga ang tubig sa pangisdan sa pahayag na,  “kapag sinalaula moang tubig, apektado ang pangisdaan.”
 
Ayon kay Laderas, ang tubig ay kritikal na kailangan sa industriya ngh pangisdaan.

Ito ay naobserbahan din ng Mabuhay sa maghapon at magdamag na pagsubaybay sa paghuli nina Geronimo.

Batay sa obserbasyon ng Mabuhay, ang tubig ay gamit mula sa pagpapalaki at pag-aalaga ng sugpo, bangus at alimango.

Sa paghuli, gamit din ang tubig upang linisin ang huli; at pinatigas ding tubig ang yelo ang gamit upang ito ay hindi mabulok agad.

Sa paghahatid naman ng manugan ni Geronimo na si Alvarado ng ani sa mga consignacion, sa tubig din ng kailugan dumadaan ang mga bangka,na kung maraming basura ay nagagaid o nalalayak ang elisi nito.


Pagdating sa punduhan o consignacion, hanggang sa ihanda at lutuin ang ani mula sa palaisdaan, tubig pa rin ang gamit.   
Dino Balabo



 ________________
(Ito ay isang follow-up report sa special report na unang inilathala ng mamamahayag na ito kaugnay ng isang taong Environmental Reporting Fellowship sa ilalin ng International Women’s Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington, DC, USA).