Friday, March 21, 2014

Bulacan, kabilang sa top rice producing provinces noong 2013


Natutuyong palayan sa San Miguel, Bulacan. DB



LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan -- Kinilala ng Department of Agriculture sa ikalawang magkasunod na pagkakataon ang Bulacan bilang isa sa 12 top rice producing provinces sa buong bansa.

Personal na tinaggap ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado ang pagkilala sa isinagawang 2013 Agri-Pinoy Rice Achievers’ Awarding Ceremony sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila, lungsod ng Pasay kamakailan.

Sinabi ni Alvarado na lubos ang kanyang kagalakan sa tinamong karangalan dahil muling nabigyan ng pansin ang mga programang isinasagawa para sa kaunlaran ng lalawigan lalo na sa agrikultura.

Ang iba pang pinarangalan sa naturang kategorya ay ang Nueva Ecija, North Cotabato, Nueva Vizcaya, Isabela, Pangasinan, Ilocos Norte, Bukidnon, Kalinga, Mindoro Occidental, Laguna at Lanao Del Norte.
 
Inaasahang bababa ang produksyon ng palay sa Bulacan ngayong 2014.
Samantala, napabilang sa top rice producing municipalities ang San Rafael habang itinanghal bilang awardees sa Agricultural Extension Workers category sina Ma. Gloria Carrillo at Cynthia Nunez ng Office of the Provincial Agriculturist.

Bukod dito, 19 Bulakenyo agriculturists rin mula San Ildefonso, Bustos at San Rafael ang tumanggap ng pagkilala.

Maliban sa tropeyo, pinagkalooban ng project grants ang mga top rice producing winners na P4 milyon para sa Bulacan at P1 milyon para sa San Rafael habang naguwi ng cash prizes ang mga individual winners. (Vinson Concepcion, PIA 3)

No comments:

Post a Comment