Tuesday, May 13, 2014

Itik, bibe laban sa pesteng black bug



ni Dino Balabo




LUNGSOD NG MALOLOS— Ipinapayo ng mga dalubhasa ngayon ang pagpapastol ng itik at bibe sa mga palayan upang makontrol ang pagkalat ng pesteng rice black bug (Scotinophara coarctata) o atangyang itim.

Bukod dito, ipinapayo din ang pagsasagawa ng paglilinis sa bukirin, pagsasaboy ng pathogenic micro-organism
na metarhizium o isang uri ng amag, at pagpapatubig sa bukirin. Ang problemang hatid ng atangyang itim sa palayan ay karagdagan sa unti-unting pag- katuyo ng bukirin sanhi ng mainit na panahon.

Dahil dito, naaalarma ang mga magsasaka, ngunit ayon sa Department of Agriculture (DA), kontrolado ang sitwasyon sa kabila na umabot sa 2,280 ektrayang bukirin sa Gitnang Luzon ang naapektuhan ng pesteng rice black bug Para naman sa DA-Bulacan, dapat paigtingin ang pagbabantay sa pananim na palay dahil mas nagiging aktibo ang atangyang itim kung mainit ang panahon.

‘Itong mga panahong ito ang gusting-gusto ng mga rice black bug,” ani Gloria Carillo, ang hepe ng nasabing tanggapan. Ipinaliwanag niya na ang rice black bug ay bumubutas at pumapasok sa puno ng palay at sinisipsip ang katas nito.

Inilarawan pa ni Carillo ang insekto bilang isang “invasive pest species” na sumisira sa palay mula sa pagkakatanim nito hanggang sa sumapaw at mamunga. Sa kasalukuyan, nilinaw ni Carillo na wala pang infestation ng rice black bug sa Bulacan, ngunit inamin niya na may mga “sightings” na partikular na sa mga bukirin sa mga bayan ng Bulakan, San Miguel, San Ildefonso, San Rafael at Baliwag.


Batay naman sa tala ng DA-III, ilang lalawigan na sa Gitnang Luzon ang sinalanta ng rice black bug. Kabilang dito ang lalawigan ng Aurora kung saan ay umabot sa 570 ektarya ang apektado, Nueva Ecija (550 has), Pampanga (220 has), at Tarlac (1,500 has).

Batay din sa tala ng DA, umabot sa tatlo hanggang limang poryento ang ibinaba ng ani sa Nueva Ecija; 10- 20 porsyento sa Tarlac, 20 poryento sa Aurora, at 20 hanggang 40 poryento sa Pampanga.

Sa kabila ng pananalasa ng peste sa bukirin, sinabi ni Felicito Espiritu ng DA-III na kontrolado pa rin ito. Ipinaliwanag niya na ang mga magsasaka ay nabigyan na ng mga akmang pagsasanay sa pagtukoy sa peste, katulad ng paggamit ng light trapping equipment. Ang light trapping ay ginagamitan ng maliwanag na ilaw na umaakit sa mga insekto.

Ang insidente ng rice black bug ay di na bago dahil ito ay unang naitala sa Palawan noong 1979, na nasundan ng outbreak noong 1982 kung saan umabot sa 4,200 ektaryang bukrin ang naapektuhan. Noong dekada ‘90, ang insidente ng pananalasa ng peste ay naitala sa mga bukirin sa Mindanao, hanggang noong 2000 ay umakyat na ito sa Bicol Region.

Noong 2007, naitala sa lalawigan ng Aurora ang insidente ng pamiminsala ng rice black bug na nasundan pa sa Isabela, Laguna at iba pang lalawigan sa Hilagang Luzon.

No comments:

Post a Comment