Saturday, January 25, 2014

Manggahan sa Bulacan sinasalanta ng kurikong





GUIGUINTO, Bulacan—Dapat ng ipatupad sa Bulacan ang isang quarantine o ang pagbabawal ng paglalabas ng mga aning mangga upang mapigilan ang pagkalat ng isang sakit na tinatawag ng mga magsasaka na “kurikong.”

Ang panawagan ay iginiit ng mga magsasaka matapos isama ang ilang piling mamamahayag sa taniman ng mangga sa Barangay Pritil sa bayang ito upang patunayan ang lawak ng pinsalang hatid ng mapanirang sakit.

Bukod sa bayang ito, ang iba pang bayan at lungsod sa lalawigan ay nakapagtala na rin ng sakit na kurikong tuladng Plaridel, Pulilan, at Malolos.

Ngunit ang kakatwa sa kalagayan ng pagkalat ng mapanirang sakit sa manggahan ay ang kawalan ng impormasyon ng mga opisyal ng agrikultura sa lalawigan at sa mga bayan at lungsod.

Isa sa kanila ang nagsabi pa ng “eh hindi namin alam, hindi naman nila (magsasaka) ipinapaalaam sa amin.”

Ang pahayag na ito ay ipinabatid ng Mabuhay sa mga opisyal sa lalawigan partikular na kay Gob. Wilhelmino Alvarado na agad na nag-utos na pulungin ang mga Municipal Agriculture Officers sa Bulacan upang masuri ang kalagayan.


Ang utos ay inilabas ni Alvarado matapos magbanta ang mga magsasakang mangga sa Malolos at Guiguinto na puputulin nila ang mga sanga ng mangga nila at itatambak sa paradahan ng gobernador sa kapitolyo upang bigyan diin ang kawalan ng monitoring ng mga opisyal ng agrikultura na hindi nagpupunta sa mga barangay upang makita ang problemang mga magsasaka.

“Malawakna po ang pinsala,maraming bayan na ang infested ng kurikong,” sabi ni Melencio Domingo ang tagapangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (MCAFC).

Dahil sa nabanggit na kalagayan, iisa na lamang ang nakikitang solusyon ng magsasakang tulad ni Domingo.

“Dapat ng mag-quarantine, ipagbawal na ang paglalabas ng mangga mula sa Bulacan para hindi mahawa ang ibang bayan at lalawigan,” sabi ni Domingo na isa rin kontratista na nagbobomba ng gamot sa manggahan.

Ang panawagan ni Domingo patungkol sa pagpapatupad ng quarantine ay may kaugnayan sa pahayag ng mga opisyal ng agrikultura sa Bulacan at Gitnang Luzon.

Ayon kina Cristina Geronimo ng Provincial Agriculture Office at Felicito Espiritu ng Department of Agriculture (DA) sa Gitnang Luzon, wala pang natutuklasang gamot laban sa sakit na kurikong.

Ang nasabing sakit ay tinatawag na “bulutong”, “inarmalite” at “patse sa ibang bahagi ng Bulacan.

Sa ibang lalawigan ito ay tinatawag na “Gloria Gloria”o kaya ay “Nora Nora”.

Ito ay dahil sa ang sakit na kurikong ay nakakahalintulad ng itim na nunal namukha ng tao, tulad nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at artistang si Nora Aunor.


Ayon kay Domingo, ang sakit na kurikong ay nagmula sa lalawigan ng Batangas noong unang bahagi ng dekada 90.

Noong 1999, umabot na ito sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan at mula noon hanggang sa kasalukuyan ay sinasabing ito ang pangunahing pumipinsala sa manggahan sa Bulacan.

Batay sa mga unang pahayag ng opisyal ng agrikultura sa Bulacan, tinatayang ang sakit na kurikong ay dulot ng pagkalbo ng kabundukan.

Ito ay dahil sa ang cecid fly na nagsasanhi nito ay dating matatagpuan sa kabundukan at sa pagkasira at pagkaubos ng mga puno sakanundukan ay lumipat ito sa mga manggahan sa kapatagan.

Dahil wala pang gamot o pestisdyong natutuklasan laban sa sakit na dulot ng cecid fly,  ipinapayo ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic  and Nature Resources Research and Development (PCARRD) ang pagsasagawa ng paglilinins ng mga lilim ng mangga,bukod pa sa pruning o pagbabawas ng sanga ng mangga.

Ayon sa mga dalubhasa ng PCARRD, ang cecid fly ay karaniwang nananatili sa mga damuhan sa lilim ng mangga,kaya’t kung lilinisin iyong ay mawawala ito.

Ang pruning naman ay ipinapayo dahil sa pagtaya na ang cecid fly ay takot sa sinag ng araw at kapag binawasan ang mga sanga at dahon ng punon ay nagbabalik ito sa mga damuhan.

Ayon sa PCARRD, ang cecid fly ay nakakalintuladng lamok at karaniwang nangingitlog sa mga dahon ng mangga.

Kapag ang itlog ng cecid fly ay napisa,ang larvae nito ay nagsisiksik sa mga dahon at bumubutas.

Bumubutas din sa bunga ang larvae ng cecid fly at nagiiwan ito ng itim na sugat o patse.  Dino Balabo