Saturday, February 1, 2014

Produksyon ng isda sa Bulacan apektado ng malamig na panahon





HAGONOY, Bulacan—Libo-libong binhi ng tilapia at iba pang isda ang nangamatay sa lalawigan ng Bulacan dahil sa malamig na panahon.

Sa mga lalawigan ng Aurora at Nueva Ecija ay apektado din ang pangisdaan at mga pananim sa bukirin.

Bukod dito, bumaba rin ang produksyon ng isda dahil halos hindi makapamalakaya ang mga mangigisda sa Manila Bay.

Maging mga namamalaisdaan sa bayang ito ay namumuroblema dahil ilan sa kanila ay nalusawan na ng alagang isda at sugpo.


Ang kalagayang ito ay isinisisi sa malamig na panahon hatid ng hanging amihan na nagmumula sa hilagang silangan ng Luzon.

Ayon kay Felix Tirado, tagapamahala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Technology Outreach Station for Brackishwater sa bayang ito, maging ang kanilang binhi at mga saline tilapia breeders ay naapaketuhan na ng pagbaba ng temperatura hatid ng malamig na panahon.

Batay sa tala ng BFAR, umabot sa mahigit 30,000 binhi ng saline tilapia ang namatay noong nakaraang linggo, bukod pa sa 47 breeder o inahin.

Ang nasabing bilang ay halos 10 porsyento ng kabubuong 3-Milyong produksyong binhi ng saline tilapia sa nasabing BFAR hatchery sa buong taon.

Ang saline tilapia ay ang uri ng tilapia na inaalagaan at pinalalaki sa tubig alat o malapit sa mga karagatan.

Ang mga binhing produksyon sa hatchery ng BFAR sa bayang ito ay ipinamamahagi ng libre ng tanggapan sa mga magsasaka at namamalaisdaan sa buong Gitnang Luzon.

Ayon kay Tirado, ang paglamig ng panahon ay nakakapekto sa kanilang mga alagang isda.

Ito ay dahil sa humihina ang pagkain ng mga isda kapag malamig ang panahon, at dahil dito, humihina rin ang katawan kung kaya hindi makatagal sa lamig ng ng panahon at namamatay.

Bukod dito, ang lamig ng panahon ay nakakadagdag samga stress na nararanasan ng mga isda, kabilang na ang malalaki nilang tilapia breeders.

Ayon pa kay Tirado,ang paglamig ng panahon ay nakakabawas din sa dissolved oxygen sa tubig.


Ipinaliwanag pa niya na ang mga oras sa pagitan ng alas-12ng gabi at alas-6 ng umaga ang may pinakamababang dissolved oxygen sa tubig.

Ito ay dahil sa kawalan ng sikat ng araw at liwanag na naghahatid ng photosyntheis sa tubig at lumilikha ng dissolved oxygen.

Kaugnay nito, ipinabatid din ni Tirado na sa nagdaang dalawang linggo ay ilang namamalaisdaan sa bayang ito ang nag-ulat na nalusawan sila ng alagang  sugpo.

Ito ay dahil na rin sa paglamig ng panahon.

Ayon kay Tirado, kapag maliliit pa ang alagang sugpo, malaki ang posibilidad na maapektuhan ang mga ito ng pagbabago sa temperatura ng panahon.

Kaugnay nito, ilang mangingisda sa bayang ito ang nagsabing, bumaba ang produksyon ng isda mula sa unang linggo ng Enero.

Ito ay dahil sa halos walang mahuli sanhi ng malamig na panahon, bukod pa sa iniinda ng mga mangingisda anglamig ng panahon sa karagatan kung gabi at madaling araw.

Samantala, iniulat ng pahayagang Punto Central Luzon noong Enero 30  na nakakapagpabagal sa paglaki ng pananim na gulay at ibaang halaman ang pagbaba nbg temperatura.

Ang kalagayang ito napansin ng mga magsasaka sa Lungsod ng Munoz sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa lalawigan ng Aurora, iniulat  din ng Punto Central Luzon na nagsimula na ring tumaas ang presyo ng mga isda dahil sa mababang produksyon sanhi ng malamig na temperatura na sinisisi rin sa pagkamatay ng apat na matatandang lalaki. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment